WALANG TORN LIGAMENTS SA TUHOD NI JAMES YAP
Papasok sa Game 2 ng best-of-7 semifinals, napapakamot sa ulo ang coaching staff ng San Mig Coffee dahil sa batbat ng injuries sa key players ang team.
Sa series opener kontra Rain or Shine Miyerkules ng gabi ay nagtamo ng hyper-extended knee si James Yap, dahilan kung kaya’t hindi na nito nagawang tapusin ang laro.
“Natakot ako kasi nag-snap talaga yung tuhod ko,” iiling-iling na kwento sa pba.ph ng 2-time league MVP.
Kinabukasan ay hindi na nakuha pa ni Yap na makipag ensayo sa Mixers, dahil kinailangan nitong sumalang sa masusing pagsusuri sa kanyang kanang tuhod sa Medical City sa Mandaluyong.
“Awa ng Diyos nag negative naman yung check-up ni James for any torn ligament. Na-trauma lang yung ligament, hyper-extended,” pahayag ni San Mig Governor Rene Pardo.
“Depende kay Tim Cone, di ko alam kung gagamitin ni Tim. Pero alam mo naman yun ready to play yun, kahit isang paa lang, lalaro yun.”, pagsasara pa ng ever approachable team official.
Bukod kay James Yap, may isa pang manlalaro ang San Mig Coffe na may iniindang karamdaman.
Ang veteran point guard na si Jonas Villanueva ay may tatlong araw na na-confine nuong isang linggo sanhi ng sakit na dengue.
“Nuong Sabado lang ako lumabas. Pinilit ko ngang mag-shoot around kanina kaso may reservations ang duktor ko. Magpahinga na lang daw muna ko. Bumababa kasi ang platelets ko eh,” wika ni Villanueva.
Sa Biyernes ay magsu-suit up na si Villanueva pero malamang ay sa Game 3 pa ito paglaruin ni Cone.
Samantala, masaya namang ibinalita sa pba.ph ng San Mig management na bukod kina Yap at Villanueva, healthy at in fighting form ang iba pang Mixers.
Subscribe to INQUIRER PLUS to get access to The Philippine Daily Inquirer & other 70+ titles, share up to 5 gadgets, listen to the news, download as early as 4am & share articles on social media. Call 896 6000.