BALANSENG BALANSE NGAYON ANG PBA
Sa naganap na serye ng mga trades nitong nakalipas na linggo, walang duda lahat halos ng sampung koponan ay lumakas at nag-improve ang roster.
Maging ang Governor ng defending Commissioner’s Cup champion San Mig Coffee Mixers na si Rene Pardo ay naniniwalang mabigat ang hamon sa kanila ngayong magdepensa ng korona.
Kwento ng magiliw na team official, hindi na ngayon pupwedeng bilangin ang tagumpay laban sa mga lower rated teams.
“Ang daming darkhorses ngayon like GlobalPort and Barako Bull. They’ve made major adjustments,” wika ni Pardo. “Other teams can now pull off surprises.”
“It’s a well-balanced league, we have to treat all the other 9 ballclubs like they’re all contenders, they’re out to dethrone us… so lahat ng siyam na yun, pare-pareho ang ilalaban namin sa kanila.”
Pero hindi itinanggi ni Pardo na dalawa lamang ang Petron Blaze Boosters at Talk n’ Text Tropang Texters sa mga pinagtutuunan nila ng dibdibang atensyon.
“Talk n’ Text is always out there with the big boys. Petron just defeated Ginebra and Alaska in Cebu, so that’s a preview of how powerful the team is,” giit ni Pardo.
Sa ngayon ay hindi pa umano pinagtutuunan ng pansin ng San Mig Coffee ang title retention, dahil mas kanilang nais magamay ang pagkapa ng chemistry.
May tatlo kasing bagong players ang San Mig Coffee sa katauhan nina Leo Najorda, Alex Mallari at Lester Alvarez, na nakuha nila sa naganap na 5-team, 10-player transaction noong conference break.
Dahan-dahan subalit siguradong gapang paitaas ang pilosopiya ngayon ng Mixers.
“We will not add pressure to ourselves unnecessarily. Ang target lang namin is to end up in the top 2 after the eliminations para may twice to beat, gaya ng ginagawa namin dati,” pagsasara ni Pardo.
At bagama’t hindi nakatala ng panalo sa unang asignatura ang San Mig Coffee ngayong Commissioner’s Cup, umaasa si Pardon na makakabawi sila sa kanilang Wednesday assignment kontra Petron.
Bigo ang all-Filipino Mixers na makatikim ng panalo sa kanilang unang laban kontra Barako Bull Biyernes ng gabi. Hindi nakalaro ang kanilang import na si Matt Rogers na dating Spanish League campaigner pagkatapos dumanas ng diarrhea at dehydration. Umaasa ang Mixers na makakabalik si Rogers sa susunod na laban.
Subscribe to INQUIRER PLUS to get access to The Philippine Daily Inquirer & other 70+ titles, share up to 5 gadgets, listen to the news, download as early as 4am & share articles on social media. Call 896 6000.