JAPETH BALIK SA TRADING BLOCK?
Kasabay ng pagsadsad ng GlobalPort Batang Pier sa team standings, hindi niyo ba napansin na unti-unti ring bumababa ang playing minutes ni Japeth Aguilar?
Sa unang pitong laro ng GlobalPort, nag average si Aguilar ng 34.4 minutes na exposure.
Pero kontra Air21 Express at Alaska Aces, nalimitahan na lamang ang high-flying 6-9 beanpole sa 29 at 19 minutes, ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, hindi ko tuloy naiwasang magtanong: “Hindi kaya unti-unti nang sinusubukan ng GlobalPort ang maglaro nang wala si Aguilar sa kanilang lineup?”
Magugunitang bago nagsimula ang conference na ito ay napabalitang inaasinta si Aguilar ng Barangay Ginebra San Miguel.
Ang siste, hindi natuloy ang naturang trade matapos na pigilan ito ng isang mataas na opisyal ng Ortigas-based franchise.
Sa panayam ng FrostByte sa mga opisyales ng Batang Pier, hindi itinanggi ng mga ito na handa silang pumasok sa anumang roster improvement kung ito ang magiging solusyon sa kanilang pagbulusok.
Noong unang dalawang linggo kasi ng Commissioner’s Cup, hindi masisisi ang management ng Global Port kung sasabihin nilang “wala munang trade.”
Sa punto kasi na yun, 2 wins at 1 loss ang kartada ng Sultan900, Incorporated squad, kabilang na rito ang impresibong upset sa ngayo’y league-leader na Petron Blaze Boosters sa conference opener.
Fast forward: Mahigit isang buwan nang hindi tumitikim ng panalo ang koponan.
Ang tanong, kung sakaling willing na ulit pumasok sa trade ang GlobalPort, handa kaya silang idamay si Japeth?
Habang patuloy na kumakapal ang plot ng 2013 PBA season, isakripisyo kaya ng mga Batnag Pier si Aguilar para makakuha ng sabihin nating isa o dalawang players… Ano sa tingin niyo?
Subscribe to INQUIRER PLUS to get access to The Philippine Daily Inquirer & other 70+ titles, share up to 5 gadgets, listen to the news, download as early as 4am & share articles on social media. Call 896 6000.