ABUEVA, ESPINAS IPINAGPAPALIWANAG SA PAGLARO SA IBANG LIGA
Pinadalhan na ng memo ni PBA Commissioner Chito Salud ang dalawang kontrobersyal na players ng Alaska Aces na lumaro sa isang hindi otorisadong liga sa Bulacan.
Ipinagpapaliwanag ni Salud sina Calvin Abueva at Gabby Espinas sa loob ng 24 oras pagkatapos matanggap ang memo kung bakit sila naglaro sa labas ng PBA, na isang paglabag sa kanilang pinirmahang kontrata.
Ayon sa abugadong kumisyunado, nasa Article 10 ng UPC o Players’ Uniform Contract ang probisyon na nagbabawal sa mga PBA cagers na maglaro sa mga unsanctioned tournaments at sa iba pang mga sports.
“Nasa UPC yun. That rule does not prohibit them from earning extra money, but to protect theam against injury and undue harm,” wika ni Salud.
“I will wait for their letter of explanation and then decide on it,” sabi ni Salud na naggiit na para sa record purposes ang rason kaya niya hinihingan ng paliwanag ang dalawa.
Sa ngayon ay magkakaiba ang pananaw ng publiko sa naturang isyu.
Mismong si Abueva ang umamin na napagalitan na siya ni Alaska coach Luigi Trillo, sabay sabing pinagbigyan lamang niya ang hiling ng kanyang pinsan na tagaroon.
Aminado ang top Rookie of the Year bet na hindi siya nakapagpaalam sa Aces management sa naturang laro.
“Katuwaan lang naman yun, kaunting showtime para mapasaya lang ang mga tao roon,” wika ng dating San Sebastian Stags superstar.
Sa Lunes maglalabas ng desisyon si Salud patungkol sa dalawang players, kasabay ng babala sa iba pang miyembro ng PBA na maging maingat at tapat sa kanilang nilagdaang obligasyon.
Samantala, nangako naman si dating Lubao, Pampanga Mayor Dennis Pineda, manager ni Abueva, na siya mismo ang kakausap at magsasabi sa alaga na huwag nang lumaro sa ganung klase ng liga.
“Nakakahiya sa mother team niya sa PBA na Alaska, kasi buong tiwala at suporta sa kanya tapos lalaro siya sa ganun,” sambit ng soft spoken basketball patron.
Ang huling player na na-publicize dahil sa paglalaro sa ligang labas ay si Khasim Mirza ng Air21 Express.
Pinatawan ito ni Coach Franz Pumaren ng isang buwang suspension at P35,000 na multa. (SBadua)
Subscribe to INQUIRER PLUS to get access to The Philippine Daily Inquirer & other 70+ titles, share up to 5 gadgets, listen to the news, download as early as 4am & share articles on social media. Call 896 6000.